Patuloy ang operasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng Interim Public Utility Bus (PUB) papunta sa North Luzon Express Terminal (NLET) at Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITx) na nagsimula noong ika-29 ng Disyembre 2021 hanggang ika-31 ng Marso 2022. Base sa inilabas ng Memorandum Circular (MC) No. 2021-079 ng LTFRB, kabilang sa mga maaaring bumiyahe sa mga tukoy na ruta ay mga City PUB na may valid at existing Certificate of Public Convenience (CPC) o mga PUB na expired ang CPC ngunit nakapagsumite ng Application for Extension of Validity ng kanilang CPC.
Ang mga bubuksang ruta ay ang sumusunod:
1) NLET – Araneta Bus Terminal (Cubao) via Mindanao Exit, C-5;
2) NLET – PITX via NLEX, A. Bonifacio, Taft Avenue
Bagamat nakasaad sa MC 2021-079 na hanggang ika-31 Marso 2022 ang operasyon ng Interim Bus Operation, posibleng ma-extend ang operasyon nito batay sa magiging pag-aaral ng LTFRB sa kasalukuyang pag-operate ng mga nabanggit na ruta.
Bukod diyan, mahigpit pa rin na ipinatutupad ang “7 Commandments” sa mga PUB kung saan dapat ginagawa ang mga sumusunod na minimum health safety protocol gaya ng:
1) Laging magsuot ng face mask;
2) Bawal magsalita at makipag-usap sa telepono;
3) Bawal kumain sa loob ng sasakyan;
4) Laging panatilihin ang maayos at sapat na ventilation sa mga PUV;
5) Laging magsagawa ng disinfection;
6) Bawal sumakay ang mga pasaherong mayroong sintomas ng COVID-19 sa pampublikong transportasyon; at
7) Laging sundan ang wastong physical distancing.
May kaukulang parusa para sa mga driver at operator ng City PUB na lalabag sa mga alituntunin ng ahensya at ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), kabilang na ang pagkansela ng SP at pagsuspinde sa CPC o Provisional Authority (P.A.).